![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEhO2a-4YFvawk_tt9-ZVjR0K9jkI_6jnSTzeSUAz_FFyfhWvswngveGQDh91Vw3b9n0JXwUukg4IXge5FVMbnV2rXHUIoa3aBLmhNcdfphxEBlSqorfX1ve3m0KJN7ZlxvA51FbV6cgzmYD/s320/Awit+burnay.jpg)
Death Mask
(Para kay Awit Nadera)
Kamakailan, kinalupkop ka ng Panginoon
Upang maging kerubin sa Kaniyang kaharian.
Malalim ang gabi nang matanggap ko ang isang kalatas
Buhat sa himpapawid galing sa iyong mahal na ama.
“Wala na si Awit! Ayaw kong tuluyang mawala ang maamoniyang mukha.
Ipakigawa ng “Death Mask” ang aming si Awit.”
Alon ang inangkasan ko na ibinuyog ng salikwaang hangin
Sa pulo ng Talim upang ikaw ay marating ko agad.
Sa Arlington Funeral Homes, tinungkab ko ang talukbong mong kumot.
May init pang nadarama ang aking dalawang palad
Sa iyong walang buhay na katawan.
Nang pahiran ka ng langis, nakita kong tuyo na ang dugo
Sa manipis at walang muwang mong labi.
(Alam ko, nahirapan ka sa paglaban kay Kamatayan.)
Sinabukay ng iyong ama ang malambot mong buhok,
At ilang sandali ding isinilid sa videocam ang iyong katawan.
Hinakab sa hangin ng aking isipan ang mala-anghel mong mukha:
Ang iyong nagdudunggot na ilong,
Ang pilikmatang malantik,
Ang namumurok mong pisngi,
Ang umaalon mong labi
Ang lumulukong mong noo,
Ang iyong babang kay-sarap kurutin,
At ang mata mong ipinikit nang panghabangbuhay.
Ngayon, ibubukas ko ang iyong dalawang mata,
Upang malaman nang lahat na hindi ka pumanawSa aming alaala.
Raul Funilas
No comments:
Post a Comment