Narito ka sa aking kuta ngayon...

Narito ka sa aking kuta ngayon...
Ako ngayon si Tata bilang makata
At noon, ako si Raul bilang eskultor.
Malikhain ang diwang naglalakbay
Sa laot ng himpapawid at sa kalawakang
Malao't madali'y mararating ko rin.
Lumililok, humuhulma, pumapakat,
Humahakab, tumitibag ang banayad
Na pukpok ng puntod na moog.
Tinutula ang tubig, lupa, langit at pag-ibig.

Muli, narito ako at magluluto ng ibang putahe,
ang tula sa eskultura at ang eskultura sa tula.
Pagmasdan at basahin ang aking ESKULTULA.

Eskultula Ni Tata Art Gallery

Eskultula Ni Tata Art Gallery
Isang silip

ESKULTULA NI TATA ART GALLERY

Malugod ko po kayong inaanyayahang sumilip sa aking bagong bukas na Eskultula Ni Tata Art Gallery sa #25 -F Holy Spirit Drive, Don Antonio Heights Subd., Diliman, Quezon City. Narito po ang aking mga likhang eskulturang may kalakip na tula.

Pormal na binuksan noong ika-20 ng Abril 2008 nina Director Vim Nadera ng Institute of Creative Writing ng College of Arts and Letters sa UP Diliman at ng pinakabatang Hall of Famer ng Carlos Palanca Awards Roberto T. Anonuevo.

Invited guests sina Pambansang Alagad ng Sining sa Literatura Virgilio S. Almario at Pambansang Alagad ng Sining sa Eskultura Napoleon Veloso Abueva.

Dumating din ang grupo ng mga makata,manunulat at artista sa pinilakang tabing sa pangunguna ni Orestes Ojeda.

Lumagda sila sa isang antigong dulang na ngayon ay naka-ukit na ang kanilang iniwang bakas sa nasabing dulang.

Lahat nang nais dumalaw sa kuta ni Tata ay mangyari po lamang na mag text sa 0920-9077132 upang makipagtipan sa inyong lingkod.

D2 mo tunghayan ang aking mga likha

Ribbon-cutting ceremony

Ribbon-cutting ceremony
VimNadera, Bobby Añonuevo, Tata & Dra. Villeza

Wednesday, April 18, 2012

Muy Bien... Paglipas na Putungan ni Balagtas Inulit kay Bien Lumbera








Apat na panauhin sa katauhan ng mga haligi ng Concerned Artists of the Philippines (CAP) sa pangunguna nina Renan at Ron Magbuhos Papag ang bumulaga sa aking munting studio sa UP-Diliman kamakailan.Ang pakay nila'y ang ipagpagawa ng isang Lawrel ang Pambansang Alagad ng Sining sa Literaturang Bienvenido L. Lumbera.
Ipuputong daw ito sa nalalapit nitong kaarawan na gaganapin sa Wilfrido Guerrero Theather sa UP-Diliman. Unang tanong ko'y kung gaano kalaki ang ulo ni Ser Bien at ang sabi sa akin ni Ron ay halos kasukat ko daw ang ulo ni Ser Bien. Sa ilang palitan ng kuro ay nabuo ang isang plano sa pamamagitan ng isang larawan ni Balagtas na may putong na lawrel. Kinabukasan, muling nagpadala sa akin ang tropang CAP ng ilang larawan ng mga dakilang makata na may putong na lawrel at doon humabi ang likaw na isip ko upang pagpakis-pakisin ang isang nabubuong larawan sa oido ng aking utak.
Tatlong araw kong pinag-isipan ang ipinagagawa nilang lawrel at nang mabuo sa isip ko ang gagawin ay tinabas ko na ang isang pilyego ng tansong may gauge 18 ang kapal.
Nagdaras din ako ng dalawang bagong moldurang gagamitin ko sa pag-ukit ng dahon. Iniuwi ko pa sa isla ng Talim ang nasabing dahon upang doon ko ito gawain. Nang magawa ko ang mga dahon ay ang sanga at buntot naman ang aking hinipo. Maraming beses kong sinipat ang distansiya ng bawat dahon na aayok sa haba at sukat sa aking ulo. Kinukuhaan ko ito ng picture sa celfone at ipinadadala ko kay Renan para sa kanilang approval. Nang mahigingan kong walang pagtutol sa aking ideya ay ibinalot ko na ito at umuwi na ako sa UP-Diliman.
Dalawang araw akong nagkulong sa aking munting studio upang ihinang ang lawrel ni Lumbera.
At nang matapos ay tinawagan ko si Ron upang tingnan ang aking ginawang lawrel. Walang namutawi sa kaniyang bibig kundi ang paghanga. Huling sabi niya sa akin ay: "Huwag kang mawawala sa Abril 16, 2012 sa pagpuputong kay Lumbera".
Nang dumating ang araw ng pagpuputong ay halos mapuno ng tao ang step ng Palma Hall sa UP-Diliman na dinagsa ng mga Artistang Bayan. Dumalo din sa okasyon sina ka Satur Ocampo, Pangulong Pascual ng UP, Mrs. Lopez na asawa ni dating UP President S.P. Lopez at iba pang kilalang mga tao sa larangan ng sining. Si nanay Mameng Dioneda ang nagputong ng lawrel kay Ser Bien. Apat na stage ang sumalubong sa pinugayan na kinabibilangan ng Kontra-Gapi , Philippine Harmonic Orchestra at isa sa mga humarana ng makabayang awitin si koyang Jess Santiago. Nang makita ako ni Ser Bien sa upuan ay kinawayan ako at pinapanhik sa entablado sabay pagpapakuha ng larawan. Doon lang niya nalamang puputungan siya at napanganga pa nang sabihin kong ako ang gumawa ng kaniyang lawrel. Matagal kong nakasama si Ser Bien sa mga okasyong may pagkilos ang mga manggagawa, kasama ko siyang tumutula sa entablado, nakakasama sa mga bungguang baso at siya din ay isa sa nag-blurb sa aking unang librong Halugaygay sa Dalampasigan ng: "Si Tata Raul ang makatang nagpapatindi sa pagkauhaw natin sa mga susunod pang tula". Mabuhay ka Ser Bien!....MUY BIEN!

Monday, February 6, 2012

Babaeng Lastag Sa Timog Avenue(Sa bupete ni Atty. Dem R. Villanueva




May Ibong Kumandong


Rubber mold and plaster of Paris
Final paghihinguto
Modeling clay
Pagbibilad
Kuha sa ibaba
Kambal na Hubo sa Timog Avenue
Wasak na katawan
Pagkukulay
Pusod at dalawang bundok

Tuesday, January 24, 2012

Ang Diwata Sa Timog Avenue (Sa bupete ni Atty. Dem Villanueva)

Mil nueve ciento sincuenta pa ang Ligaw Na Diwata sa Timog. Isang malaking trosong nililok ng isang dakilang eskultor noong dekada 50 at suwerteng naligaw sa bupete ni Atty. Redemberto R. Villanueva na isang patron ng mga eskultura at iba pang arts. Na-aagnas na ang kaniyang dibdib at palda, kulang na ang mga daliri ng paa at kamay. Marami ng gahi ang pagkakahoy at halatang kinain na ito ng kalikasan. Ipinatawag ako ni Atty Dem upang i-restore ang nasabing Diwata at sa loob ng kulang dalawang linggo ay muling nabihisan ang "ligaw na Diwata". Pinangalanan ko itong Claudia dela Rosa. Tuwinang Biyernes ay may nagaganap na tsibugan, tagayan at kantahan sa bupete ni Atty. Dem at dito'y maraming eskulturang nakapalamuti sa maluwang na penthouse. Karagdagang tanawin si Claudia dela Rosa sa pingkian ng kopita at baso ng mga tarikang abogado at mga artistang dito'y naliligaw. Walang masamang tinapay kay Atty Dem, basta tao kang pumunta sa kaniya ay tao kang haharapin, pakikisamahan, makikipagtagayan, at higit sa lahat down to earth ang kaniyang ugali...madaling lapitan sa mga kailangang tulong. At abangan ninyo ang kapatid ni Claudia na kasalukuyan ko ding binibihisan...wala siyang saplot kahit isa sa katawan...hehe, alam nyo na iyon. Wow!!!










Thursday, December 8, 2011

Lipat Bahay sina Neneng Banga, Ming, at Urbano I at II Sa Bagong UPIS





Muli, hindi inaasahang mapiling muli ang aking katauhan upang i-restore ang mga eskulturang nasira sa University of the Philippines Integrated School.
Kasalukuyan akong nagsusulat ng isang tula nang dumating sa aking opisina si Dr. Gabriel ''Gabby'' J. Paz, pangulo ng Veterinary Practitioners Association of the Philippines (VPAP) na siyang naatasang humanap ng isang eskultor na gagawa sa mga nasirang eskultura sa UPIS na ililipat sa loob ng Pamantasan ng Pilipinas mula sa ngayong kinalalagyan nito sa Katipunan Ave. tapat ng Bgy. Pansol sa Balara.

Dumating sa aking munting galeriya ang nasabing eskultura na walang paa at binti si Neneng Banga.


Si Ming Naman ay walang mukha at lagtas ang dalang lotus. Sina Urbano'y putol ang kalahati ng katawan at tatlong dali ang kapal ng putik at lupa.


Nakagugulat nang linisin ko ang mga nasabing sirang eskultura na diumano'y gawa pa noong dekada 50 ng hindi nakilalang eskultor. Nabura na ng panahon ang mga pangalang nakaukit sa mga rebulto Gawa sa marmol ang mga obra at ayon sa ibang kasamang eskultor ay "baka" ito'y mga lilok ng mga dakilang sina Guillermo Estrella Tolentino at Anastacio Caedo na siyang lumilok ng mga mahahalagang eskultura sa University of the Philippines. Pinangalanan nila itong sina Neneng Banga, Ming, Urbano I, at Urbano II . (dadalawa na ang natirang duwende sa orihinal na pito)



Hindi nabigyang pansin nang mahabang panahon ang mga eskultura dahil sa mga bahid nitong iba't ibang kulay, napag-alaman kong halos may limang patong na ang kulay nito at natabunan ang kagandahan ng angking marmol. Nagdaan din ang obra sa prosesong model clay, minoldehan at binuhusan ng silicon marble at white cement.










Higit isang linggo ang ginasta ko upang maibalik sa dati ang apat na pirasong eskultura at ito'y kinulayan ko ng mistulang antigo ayon sa kanilang edad. Masuwerte ako dahil ito'y pangalawa ng karangalan sa aking pagkatao bilang isang eskultor mulang masimulan kong i-restore ang isang busto ni Leon Maria Guerrero na gawa sa Plaster of Paris ni Guillermo E. Tolentino noong 1953 na natagpuan ko sa isang basurahan sa UP. Isang pagpupugay ang natanggap ko sa mga anak at apo ni Leon Maria Guerrero na sina Chitang Guerrero Nakpil at Liza Nakpil.


Sa darating na Sabado, (December 10, 2011) may Last Fairwell Affair sa UPIS ang Batch nina Dr. Gabby J. Paz, Teresita de Villa,(dating Principal ng UPIS) Gigi Viloria na siyang nangasiwa upang maibalik sa dating anyo ang mga eskulturang nabanggit.

Halina tayo at samahan natin sa tagay sa Sabado ng hapon ang mga dakilang nagpunyagi upang maibalik sa dating anyo ang mga nasirang rebulto sa UPIS.

Wednesday, October 19, 2011




Tagumpay ang "Eclectic Vision" sponsor exhibit ng Kulayara Art Gallery Camp Crame Rotary Club sa Senate Building, GSIS Bldg. Roxas Blvd Pasay City noong Agosto 8, 2011. Unveiled by Senate President Juan Ponce Enrile. Featuring Sculptors Tata Raul Funilas, Dr. Ton Raymundo and Painter Romulo Galicano. Ang nasabing exhibit ay parangal kay kuya Dan Pinto na siyang Chief ng Printing Division ng Senate na pumanaw noong nakaraang Hulyo 2011. Tumagal ang nasabing exhibit ng tatlong Linggo.

Moog sa Kuta ni Tata Raul Art Center




Saktong animnapung taung gulang ang edad ko noong nakaraang Agosto 8, 2011, parang bumubulong sa akin ang isang guniguning may labit na kudyapi at sumusones ng mga himig na naka-aaliw sa aking ulinig. Tulong na sumasalong sa aking mga palad ang amihan at habagat. Umaawit hinggil sa tubigan, hinggil sa papawirin, hinggil sa kabundukan, hinggil sa pag-ibig. Narahuyo akong maglamas ng pikat at dumaras ng palanas hanggang sa sinutsutan ako ng salamin. Bubog ang linaw, nagsasapirot' diamante. Hanggang nakipagtitigan ako sa aking sarili, matagal na matagal. Binilang ko ang gatla sa aking noo, binilang ko ang bigote at balbas, at pinalitaw ko ang isang panghabangbuhay na napakatamis na ngiti. Natatapos umawit ang guniguni'y nakikita kong lumuluwal ang aking kakambal.

Pinaswitan ko't pinababa ang isang moog sa kabundukan, pinaswitan ko't pinalipad ang masasamyo't mahalimuyak na bulaklak, pinaswitan ko't pinalawit ang pinakamarikit na tala at ini-andas ko ang lumuwal kong kakambal at nilagyan ko ng isang Credo:

Kuta ni Tata Raul Art Center
Bgy. Tabon Mainit, Binangonan, Rizal

"Sa Gulong ng alon at bugso ng hangin,
Sa konting tiyaga'y makararating din."

Makata
Eskultor
Artista
Mangingibig
Ama
Inmortal

Moog na ipamamana ko sa aking mga anak at apo.