Narito ka sa aking kuta ngayon...

Narito ka sa aking kuta ngayon...
Ako ngayon si Tata bilang makata
At noon, ako si Raul bilang eskultor.
Malikhain ang diwang naglalakbay
Sa laot ng himpapawid at sa kalawakang
Malao't madali'y mararating ko rin.
Lumililok, humuhulma, pumapakat,
Humahakab, tumitibag ang banayad
Na pukpok ng puntod na moog.
Tinutula ang tubig, lupa, langit at pag-ibig.

Muli, narito ako at magluluto ng ibang putahe,
ang tula sa eskultura at ang eskultura sa tula.
Pagmasdan at basahin ang aking ESKULTULA.

Eskultula Ni Tata Art Gallery

Eskultula Ni Tata Art Gallery
Isang silip

ESKULTULA NI TATA ART GALLERY

Malugod ko po kayong inaanyayahang sumilip sa aking bagong bukas na Eskultula Ni Tata Art Gallery sa #25 -F Holy Spirit Drive, Don Antonio Heights Subd., Diliman, Quezon City. Narito po ang aking mga likhang eskulturang may kalakip na tula.

Pormal na binuksan noong ika-20 ng Abril 2008 nina Director Vim Nadera ng Institute of Creative Writing ng College of Arts and Letters sa UP Diliman at ng pinakabatang Hall of Famer ng Carlos Palanca Awards Roberto T. Anonuevo.

Invited guests sina Pambansang Alagad ng Sining sa Literatura Virgilio S. Almario at Pambansang Alagad ng Sining sa Eskultura Napoleon Veloso Abueva.

Dumating din ang grupo ng mga makata,manunulat at artista sa pinilakang tabing sa pangunguna ni Orestes Ojeda.

Lumagda sila sa isang antigong dulang na ngayon ay naka-ukit na ang kanilang iniwang bakas sa nasabing dulang.

Lahat nang nais dumalaw sa kuta ni Tata ay mangyari po lamang na mag text sa 0920-9077132 upang makipagtipan sa inyong lingkod.

D2 mo tunghayan ang aking mga likha

Ribbon-cutting ceremony

Ribbon-cutting ceremony
VimNadera, Bobby Añonuevo, Tata & Dra. Villeza

Friday, December 4, 2009

Muli Akong Niyakap ng Pambansang Alagad ng Sining





Malikmata sigurong matatawag ang nagaganap sa aking sarili.
Isang pulong ang itineks sa akin ni Madam Eva Cadiz ng UP- Institute of Creative Writing (UP-ICW) at pinapupunta ako sa isang coffe shop na nasa pultahan ng Vargas Museum sa loob ng UP-Diliman Campus.

Una kong dinatnan si Maam Eva, sumunod si Prof. Vim Nadera ng UP-KAL at ang huling dumating ay si G. Martin Z. Lopez na Executive Director ng President’s Committee on Culture sa Far Eastern University (FEU) sa Morayta o Nicanor Reyes St. Maynila. Pinag-usapan nila ang pagpupugay sa limang (5) Pambansang Alagad ng Sining na buhay pa sa katauhan nina: Virgilio S. Almario, Jose Sionil, Romero, Edith Lopez Tiempo at Alejandro Reyes Roces.Sa pag-uugnayan ng Likhaan-UP Institute of Creative Writing at National Commission for Culture and the Arts (NCCA)

Dahilang naigawa ko na ng mga rebulto sina Almario at Tiempo, nagustuhan nilang ililok ko si Alejandro R. Roces ng busto na siyang itatampok sa pagpupugay na gaganapin sa FEU sa Disyembre 1, 2009. Nang magkasundo kami sa mga parakisa ay hindi na sila nagpatubaytubay at pinagpakispakis ang sang-ayon. Tatlong linggo ang ginasta ko upang tapusing lilukin ang 35 pulgadang synthetic marble bust with gold dust finish ni ARRoces.


Nang pa-aprubahan ko ang modeling clay thru email and celfone sms ay pinapirma ako sa isang kontrata at ipinakita nilang kasama ako sa programang gaganapin at pinakatampok ay ang pag-a-unveil ng busto. Ika-anim nang umaga, Disyembre 1, 2009 ay dinaanan nila ako sa aking munting galeri at sabay-sabay kaming nagpunta nina Ser Vim Nadera at Maam Eva Cadiz sa FEU upang parausin ang nasabing pagpupugay kay Pambansang Alagad ng Sining sa Literaturang Alejandro R. Roces. Halos maiyak na niyakap ako ni ARR nang makilala ako at niyaya pa akong magpakuha kami ng larawan.

Doon ko nalamang ang may-ari pala ng FEU na si dakilang Nicanor Reyes ay kapatid ng ina ni Alejandro R.Roces at naging Guro at Dekano din si Roces sa Arts and Letter at naging Editor ng pahayagang Advocate sa nasabing paaralan at nang maupong pangulo si Diosdado Macapagal ay ginawa siyang Kalihim ng Edukasyon.

Tagumpay na matatawag ang nasabing pagpupugay dahilan sa nilahukan ito ng mga matatandang guro ng FEU na ang bawat isa’y may dalang kani-kaniyang kuwento hinggil sa kabutihang loob ng simpatiko at guwapitong si Pambansang Alagad ng Sining sa Literaturang Alejandro Reyes Roces.Higit na masigabo ang palakpak ng mga estudyanteng nanghihiram ng mga kislap at ningning ng mata sa walumpu't anim na taong (86)gulang na si Alejandro R. Roces

Sunday, November 22, 2009

Pagpupugay kay National Artist Virgilio S. Almario



Mga kuhang larawan ni Philip Kimpo Jr. sa pagpupugay kay National Artist Rio Alma sa kaniyang lupang tinubuan sa San Miguel Bulakan sa pagtataguyod ng Bulacan Provincial Government,UP Likhaan at National Commission for Cultures and the Arts (NCCA).

Tampok ang kaniyang bustong lilok ng inyong abang lingkod.

Wednesday, September 9, 2009

Virgilio S. Almario bust by Tata Raul






Mahirap asintahin ang kartada ng mukha ng isang tao kapag ito'y nilililok. Subalit sa hinay at utay na may kasamang pagtitiyaga, ito’y nakukuha at natatapos.

Sa dami nang nililok ko'y lagi at laging obserbasyon ng aking himas ang hindi pagkakapareho ng magkabilang panig ng mukha ng tao. At marami ring kasamang ka-“alilang kanin” ang nagsabing mga sikat na artista lamang ang mayroong magkaparehas na kartada ng magkabilang panig ng mukha.

Subukang masdan ang ating mga sarili sa maliwanag na salamin at makikita ninyong hindi pantay ang laki ng ating mata, ilong, tenga at ang tenga natin ay sumusunod ang laki nito sa ating pagtanda kaya minsan ay sinasabing pag may malaking tenga ay matagal ang buhay.

Tulad ng bago kong lilok na kartada ng mukha ni National Artist for Literature na si Virgilio S. Almario aka Rio Alma at isa sa “whisle blower” sa usaping pagpili at pagdagdag bawas ng Malakanyang sa mga bagong hirang na mga “National Artist.” Kayhirap sipatin at himasin ng mga palad ang hindi pagkapantay ng kaniyang mukha ngunit sa tiyaga at paglalapirot ng clay ay nakuha ding maiporma ang kaniyang nakangiting mukha.

Isa pa’y pawang larawan at imahinasyon lamang ang dinudukal ko sa kaniyang hitsura dahil hindi alam ni Rio Alma na ginagawa kong muli ang kaniyang busto na balak ilagay ng bayang San Miguel Bulacan sa pagpupugay na gagawin sa kaniya sa darating na Setyembre 29, 2009. Ito’y isang proyekto ng UP-Likhaan ng Institute of Creative Writing (ICW) sa Unibersidad ng Pilipinas at National Commission for Culture and the Arts (NCCA). (Sina ser Vim Nadera at Maam Eva Garcia Cadiz ang kapural nito upang gawin ko kahit di kunin ng bayang San Miguel Bulacan ang busto ni Rio Alma.)

Sa ngayon ay katatapos ko lamang ng kaniyang ginintuang busto at ito’y nakahandang ipresenta sa butihing mayor ng San Miguel Bulacan na si Kgg. Roderick Tiongson ng mga project Coordinator ng UP-Likhaan ICW at NCCA sa lalong madaling panahon.

Sunday, August 9, 2009

Ang Pagbabalik



Higit animnapung taon ang nagdaan,
Mulang nilisan mo ang mahal na bayan;
Upang makahanap ng katagumpayan
Hindi ka nabigo sa layong marangal.

Ngayon ay nagbalik na may dalang handog,
Sa mga kabayang Maningning Bantayog;
Na di matitinag sa sining na moog
Pambansang Alagad kang di malilimot.

Isa kang huwaran ng batang sisibol,
Dito sa maunlad bayan ng Bayombong;
Kamanyang mong alay ang bango ng amoy
Hindi malilimot hanggang dapithapon.

Ikaw Edith Tiempo, ang bayan mong mahal;
Sa 'yong pagbabalik ikaw'y pupugayan.

Agosto 9, 2009
Soneto ni Tata Funilas alay kay Pambansang Alagad ng Sining sa Literatura

Monday, June 1, 2009

Nang Magkurus Ang Aming Landas Ni Pangulong Ramon Magsaysay





Katanghaliang tapat nang may tumawag sa aking celfone upang alamin kung saan ang address ng munti kong galeriya. Si Bb. Ma. Juliana M. Noces ang nasa linya at sinabi niyang naghahanap sila ng eskultor na lililok kay Pangulong Ramon Magsaysay upang ilagay sa kanilang ospital/paaralang UERM na nasa #64 Aurora Blvd. Bgy. Dona Imelda, Quezon City. Sinadya niya ang aking galeriya at bahay upang makita niya ang aking mga nililok na rebulto. Sa madaling salita'y nag-iwan siya ng isang pangakong masarap pakinggan sa aking tinututuling tainga.

Ilang araw ang lumipas, nag-email siya sa akin at pinagsubmit ako ng qoutation sa isang rebulto ni Magsaysay na tatlong materyales ang gagamitin. Nagsumite ako ng materyales para sa tanso, synthetic marble at synthetic bronze at ang napili nila ay ang pangalawa. Lumipas ang isang linggo, tinawagan ako ni Madam Julie Noces upang magdala ng sampol ng gawa kong yari sa synthetic marble at ihaharap daw nila ako sa meeting ng board upang pagpasiyahan kung gagawin na ang rebulto.

Ang huling kumausap sa akin ay ang tatlong inhinyero at arkitekto ng UERM at sa ilang palitang usap ay dinala nila ako sa kanilang Vice Chairman Mr. Young. Agad namang inaprubahan ang nasabing qoutation at pinagsumite naman ako ng isang kontrata kung saan ang pumirma ay kaming dalawa ni Bb. Noces.

Tatlong linggo ang ginasta ko upang maitayo ang pedestal na may sukat na 3ft. X 5ft, dalawang marmol slab na pinaglagyan ng Credo at dedication, bago ko hinulma ang modeling clay ay pumunta si Senador Jun Magsaysay sa galeriya kasama ang isang arkitekto ng UERM at si Bb. Noces para aprubahan ang rebulto ni Pangulong Magsaysay kung kamukha na.Binigyan pa ako ng libro ni Senador Magsaysay na inakda ni G. Jess Sison kung saan ang mga anekdota niya ang nakalagay sa libro at may mga larawan ni Pangulong Magsaysay. Medyo ipinabago ang pisngi at ilong at makalipas ang isang araw ay nai-email ko kay Senador Jun Magsaysay ang larawan ng binago kong rebulto na matamis na ngiting "much better, pogi ang aking tatay dito." Nasabi ko na lamang na: Ito na ang pagkukurus ng aming landas ni Pangulong Magsaysay.

Isang araw at isang gabi ang aking ginugol upang mailagay sa pedestal ang busto ni Pangulong Magsaysay kasama ang Credo niya. Lumipas ang dalawang araw ay muli akong ipinatawag ng pangulo ng UERM upang lumilok muli ng dalawang rebulto ni Pangulong Magsaysay na walong pulgada naman ang taas at kanila raw ibibigay kay G. Lucio Tan at sa kanilang LIbrary.

Kanginang hapon, natapos kong hulmahin ang walong pulgadang rebulto. Nakatutuwa sa aking puso ang mga nangyari, may mga katanungang bumababag sa hindi ko mapaniwalaang kaganapan. Bakit ako ang napisil na lumilok ng isang pangulo ng bansa samantalang maraming dalubhasa't pantas ang nakapaikot sa kalakhang siyudad?

A, marahil ito ang tinatawag na takda ng tadhana at ako'y naniniwalang nilukuban ang katawan ko ng mga dakilang eskultor mulang makita ko noong nakaraang 2004 sa isang basurahan ang busto ng pantas at ama ng Parmasyotika sa Pilipinas na si Leon Ma. Guererro na halos luray sa pagkakatengga kasama ang mga basag na garapa at kalawanging silya sa isang lugar sa UP-Diliman na nililok ng Pambansang Alagad ng Sining sa Eskulturang si Guillermo Estrella Tolentino noong 1953 na buong tiyaga kong nirestore bago ibalik sa inapong si Madam Carmen Guererro Nakpil.

Hunyo 1, 2009
Sa aking Galeriyang puno ng Rosas

Tuesday, March 31, 2009

Ayel (Inang Lawa)

Ayel* (Inang Lawa)

Kalilipas ng isang masigwang hanging may angkas na ulan.
Lumabas ka sa pinakataluktok ng iyong himpilan
At sinuyod ng tingin ang kaligiran.
Malinis na malinis ang lahat,
Katulad noong huling dumalaw
Ang ganitong salimbay ng hangin at ulan.

Hinagod mo ng tingin ang kiwal na batis
Na dinadaluyan ng tubig buhat sa paa ng iyong himpilan.
Hindi mo naligtaang panung’han ang dalawang dunggot
Na kinaroroonan ng isang gintong ahas na mahimbing na natutulog.
Sumungaw sa iyong labi ang umid na ngiti.

Pumasok ka ng himpilan at kinuha sa paga
Ang maririkit mong kasuotang iba’t iba ang kulay.
Pansin mong tinatagilumi ang hiblang kinakapitan
Ng pinong dalyamas. Tinungkab mo ang isang pinid
Na lagusan at kinuha ang isang batiya at palo-palong
Matagal nang itinago ng iyong mga magulang.

Nang lumabas ka’y natanaw mo ang lawak ng tubigan,
Kalmante’t matining liban sa gawing dalampasiga’y
Walang humpay ang salpukan ng kuluting anlog.
May giyaot at gilawgaw kang hinihila ng kasabikan,
Gusto mong muling mayakap ang iyong tubigan.

Tumugpa ka sa dalampasigan.
Sunong ang isang batiyang inukit sa batikuling
Na punong puno ng tinagiluming maririkit mong damit.
Ang kaliwang kamay ay may hawak na palo-palo
At ang kanang kamay ang alalay sa batiyang batikuling sa iyong uluhan.

Tuminghas ang halas ng talahib sa tagilirang kaminong kareta
Habang kumakalapak ang tunog ng nanalunton mong sakong,
Matamis ang ngiti mong gustong sigidahin ng mga ligwang
Nasa punong pilingpiling at nangingitlog ng matamis na pukyutan.

Una mong inihagis ang palo-palo sa gabukong-bukong na lalim ng lawa,
Igting na ibinaba ng dalawang kamay ang batiyang batikuling sa iyong ulo
Nang may marinig kang sibok sa gadibdib tubig ng lawa.
Naging malikot ang galaw ng iyong dalawang mata
Upang hanapin ang naghagis ng pinasibok na bato.
Wala kang nakita kundi ang isang puno ng kawayang nangaglawit ang bulaklak,
Naglawit din ang nakatiwarik at natutulog na bayakan
Sa talukap ng mabulbol at bago lang naninilanghad na labong
Sa tabi ng malalagong kambong at lungtiang dahong bayambang
Sa kuwengka ng iyong kinatatayuang dalampasigan.

Inisip mong isang isdang karpa o isdang tigiti ang nagmantik at ngumasab
Upang humigit ng isang hingang hangin sa rabaw ng tubig.
Maligamgam na tubig ang buong giliw na naglangoy sa dalawa mong paa
Upang hugasan ang alimuom at singaw ng lupa.

Inisa-isa mong kusutin ang maririkit na damit sa batiyang batikuling
Habang dumadapyo sa iyong kabuuan ang dayaray galing sa banig ng laot.
Dumadapa ang iyong buhok sa pagsabukay ng hangin
At ini-uugoy ng maliliit na anlog ang balbong balahibo ng iyong binti.

Hanggang umalatiit ang punong kawayan
At lumawiswis ang mga dahong ginigitgit
Ng hangin at ang naninilaw na daho’y
May kunday ng pamamaalam na iglap mapipigtal
At magiliw na paugoy-ugoy ang indayog pagbagsak sa mayabong lupa.

Mulang laot ay unti-unting bumangon ang alon
Upang tunguhin ang iyong kinaroroonang dalampasigan.
Unang dampi ng alon ay nasapol ang isang ayap na puntod
Na nasa unahan ng iyong pinag-aanlawan,
Lumikha ito ng isang kumpol ng ampiyas at nang lumao’y
Ikaw ang pinag-ukulan ng halik ng isang along naging mabilis ang paggulong.

Nawalan ka ng panimbang at nabasa ang suot na kamisola,
Lumabas ang bawigang balantukang bahaghari sa pusod ng lawa
At pumisik ang isang matulis na kudlit ng kidlat—
Umigtad ka nang dumagundong ang kulog.
Natumba’t nawalan ng panimbang—
Tuluyang nabasa ang buong katawan.
Nag-init ang ligamgam ng tubig nang masapo ang iyong kaangkinan.

Pakalabukab na gumapang ang duhol
Sa naulinigang ingay at galaw sa rabaw ng tubigan,
Nagsiksik sa naglunong lili ang kutung-buwaya sa takot nang kumalabusaw ang tubig.
Gusto kang puntahan at tulungan ng mga nagkukumpulang alitaptap
Sa puno ng dapdap na puno ang banakal ng bumabaldig na alimagmag,
Ngunit ang kanilang paroroona’y lipos maliwanag.

Pinagkalipumpungan ka ng sari-saring isda.
Narahuyo ka sa salpok ng alon,
Lumangoy ka papuntang laot at sumakay
Sa isang kumpol na lulumbanging liling gumigimbol sa salpukan ng anlog.
Pinagpatong-patong mo ito at ginawang munting tanghalan.

Sumakay ka at kinuha ang puti at asul na bulaklak na binabantayan ng yapyap at kuhol.
Nagsayaw ka sa ibabaw ng lili, nagtatakang sumusunod ang langkay ng kanaway
Habang nasa kaitaasan ang walang humpay sa paglipad na langaylangayan.
Natanaw ka ng tigmamanukin at bakaw-pulong lumipad
Dahil nabulabog nang kumulog kanina habang naninila ng isda
Sa habagatan ng dunggot at nang biglang bumuhos
Ang ulang kandong ng buntis at busilak na ulap.

Walang hindi nabighani sa iyong kagandahan ng oras na iyon,
Pati ang kaliskis-buwayang ulap ay naghangad ding lapitan ka—
Subalit mas malakas ang simoy ng pagkatakam ng hanging amihan.
Itinaboy ang nagkulabong ulap
At ikaw ang nilukuban ng kaniyang walang sinlakas na bugso
Hanggang ang munti mong balsa’y umanod-anod
At yakapin ng mga kuyapo, sintas-sintasan, tikiw, at digman.

Hindi mo nakayahang tumayo sa binalsang tanghalan,
Nagpatirapa ka at pilit ipinikit ang mga mata.
Alimaymay mo ang kakak ng uwak sa himpapawid
Habang ang tagak nama’y nanginginain sa tikiwan
At pinahahaba ang leeg na nakatingin sa amihan.

Naramdaman mong isinasayaw kang paikot ng bumalisunsong
Na uli-uli’t iniligid ka sa pinakamalaking lungki ng pulo
Habang takam na inilalawit ng buhawi ang matulis nitong buntot
Patungo sa iyong kinalalagyan.
Umuusad naman ang sinag sa bumabawig na bahaghari
At pilit ipinakikita sa iyo ang sari-saring kulay.

Nagpalutang-lutang ka at nagpaanod-anod,
Matiyagang nakakapit ang mga susong buwili,
Papan at susong pilipit sa sungot ng tagunton
Hanggang narating ng iyong sasakyan
Ang pusod sa lawak ng tubigang pinagpapahingahan ng habagat.
Sinuyo ka ng kaniyang dayaray at inihaplos
Sa iyong katawan ang walang kasinlamig na dapyo.
Nakaramdam ka ng antok at nakatulog nang mahimbing.
Pinagkalipumpungan ka ng mga pipit-puso at humimig
Ng matinis at matimyas na awitin.

Ginising ka ng dayaw ng tigmamanukin.
Binalaan kang mas higit na sigwada ang darating sa iyong kinaroroonan
Kaya inilawit mo ang iyong paa sa tubig
Upang gawing sagwang panudlong pabalik sa dalampasigang pinagmulan.
Natuklap ang mga linab na kumapit sa iyong sampung daliri.

Nakita ka ng bakaw na may labit sa paang ligaw na prutas na hinlalagak,
Kumakak nang kumakak hanggang dumating ang kawa’t dumapo sa iyong balsa.
Mahigpit na ikinapit ang mga paa sa lulumbanging lili,
Iwinagayway ang kanilang pakpak upang makapaglayag ang iyong sinasakyan.

Bumilis ang iyong pag-anod pabalik sa pinanggalingan
Nang salubungin ka ng naglulumiyad na alon,
Nabasa kayong lahat pati mga tumulong na bakaw na ipinaglayag ang binalsang lili.
Pamuli kang pumagitna sa balsa at inilapat ang katawang nakadapa.
Muli kang pumikit.

Marindi ang init ng nagbabagang araw na nagpa-antaw sa mga miralya at baladre,
Natanaw ka ng matataas na punong kahoy sa kaparangan at bundok;
Balana’y gustong maghandog sa iyo ng kanilang lihim at lilim na kanlungan.
Binulungan nila ang alapaap at sinuyong ikaw ay tabingan.

Lumukob sa iyo ang makapal na alapaap at tinak'pan ang nagliliyab na araw.
Nakaramdam kang muli ng lamig at unti-unting iminulat ang mga mata.
Ibinaligtad mo ang nakadapang katawa’t tumambad sa alapaap ang iyong kagandahan.

Hindi umalis ang alapaap sa pagkakayakap sa iyong kabuuan
Nang pamuling hipan ng amihan ang alapaap na tumatabing sa maliyab na araw.
Nagtitigan ang araw at amihan,
Lakas ng bugso kontra init ng liyab.
Bawat isa’y naghahangad kang mayakap.
Muli kang nakatulog habang namamasyal magdamag ang bilog na bilog na buwan,
Habang yukayok na nakahapon sa balakbak ang mga bakaw.
Nag-ipon-ipon ang maniningning na bituin nang masilayan ka nilang natutulog,
Palutrina silang bumaba at gumawa ng isang rosaryo at iginalang nila sa iyong leeg.
Nagluningning ang lawak ng karagatang kinalalagyan ng iyong tanghalang lili.

Sumabo ang sari-saring isdang narahuyo sa liwanag ng iyong kuwintas na tala.
Hindi napigilan ng barakong dalag na umigpaw at lapitan ka,
Kahit ang tag-an ay nagtatanong at hinahanap ang nawawalang mga anak.
Kagat din ng dulong ang palikpik ng barakong dalag
Upang maki-usyuso sa mapangahas na igpaw ng barakong dalag.

Kinagat ng maliit na ngipin ng barakong dalag ang isang butil ng iyong kuwintas
At muling pumusag pabalik sa tubig.
Sinunong ng dulong ang pinakamaliit na nagningning na bituin, nagpatihulog sa tubig.

Nakita ng ibang isda ang ginawa ng barakong dalag at dulong kaya’t umigpaw
Para kumuha ng butil ng kuwintas na tala sa iyong leeg,
Nagliwanag ang ilalim ng tubigan.

Nagising ang ibang isdang nagulat sa nakitang liwanag sa ilalim ng tubig.
Lumamlam ang paglalakbay ng buwan,
Nawala ang limbo nito na walang putal na tinatabingan ng manipis na alapaap—
Tuluyang nagdilim ang paligid.

Natulog ang maningning na mga tala sa himpapawid
At ginising ka ng sunod-sunod na tilaok ng labuyo.

Bukang liwayway, tiningnan mo ang iyong sarili sa malinaw na tubig,
Kumilapsaw ang gintong liwanag ng araw
Nang magsalpukan ang likhang anlog nang itundo mo
At gumawa ng matang-tubig ang iyong hintuturo,
Nalibang ka sa lumaking bilog.

Lumitaw ang malawak na bulaod ng laginlin.
Ito ang palatandaan ng iyong pagbabalik
Sa sinapupunan ng iyong pinagmulan.
Una ang ulo mong tumalon sa tubig,
Higit na malaki at malayo ang sinaklaw
Ng iyong katawan sa nalikhang matang-tubig.

Matagal kang sumisid, napakatagal na panahon ang paghihintay sa iyo,
Ng ulap,
Ng bahaghari,
Ng araw,
Ng takipsilim,
Ng tikiw,
Ng matang-tubig,
Ng uli-uli,
Ng buwan,
Ng amihan,
Ng habagat,
Ng talahib,
Ng palo-palo,
Ng batiyang batikuling ,
Ng bituin,
Ng laginlin,
Ng tigmamanukin,
Ng bakaw,
Ng labuyo,
Ng karpa,
Ng yapyap,
Ng dahon,
Ng labong,
Ng bayakan,
Ng duhol,
Ng dapdap,
Ng alitaptap,
Ng uwak,
Ng hinlalagak,
Ng tagak,
Ng balakbak,
Ng balsa,
Ng miralya,
Ng himpapawid,
Ng tag-an,
Ng dulong,
Ng barakong dalag,
Ng digman,
Ng kuyapo,
Ng kulog,
Ng kidlat,
Ng alapaap,
Ng alimagmag,
Ng sigwada,
Ng kawayan,
Ng sintas-sintasan,
Ng kiwal na batis,
Ng baladre,
Ng paga,
Ng pinong dalyamas,
Ng bulaod,
Ng kuluting anlog,
Ng dunggot,
Ng bundok,
Ng puntod,
Ng dayaray,
Ng lili,
Ng bulaklak,
Ng kawayan,
Ng kamisola,

Ng pukyutan,
Ng ligwan,
Ng pilingpiling,
Ng kaminong kareta,
Ng alon,
Ng susong papan,
Ng susong pilipit,
Ng susong buwili,
Ng tagunton,
Ng kaparangan,
Ng palipod,
Ng tulos,
Ng laot,
Ng langaylangayan,
Ng kanaway,
Ng buhawi
At iba pang sa iyo ay umibig.

Maraming narahuyo at kinagiliwan ang iniwan mong paraiso,
Maraming sumakay sa lulumbanging liling naging giya nila
Sa masayang paglalakbay at paglalayag—
At ipasiyang mamalagi at lumilok ng sariling pangarap
Sa iniwang paraiso.
Hanggang nalimutan nilang lahat ang iyong pagkawala,
Nalimutan nilang minsan rin nilang sinamba ang iyong kagandahan.

Mula sa iyong pinagkublihan ng napakatagal at hindi mabilang na panaho’y
Ninais mong balikan ang dating lugar na itinuring na paraiso.

Nagpaalam ka sa lahat na iiwan sa ilalim ng lawa
Na ang huling bulong mo’y agad kang babalik.

Lumitaw ka sa pinakapusod ng lawang kaangkas ang singaw ng laginlin.
Sinalubong ka ng rumaragasang kulabong alon,
Kumapit sa iyong balat ang makakating laman ng tubigan.
May nakita kang mga tuyo at albinong lili,
Hindi maipaliwanag ng iyong damdamin
Ang sumalubong na pagtataka sa nakitang kaligiran.

Wala kang palatandaang namalas sa dating paraiso.
Kumubli ka sa tampok na tumpok ng lilihang kinalalagyan
Nang makarinig ka ng banyagang ingay.
Isang paraw na lilok sa puno at puno ng makabagong kulay,
Umaalimbukay ang malibag na tubig sa hulihan.
Natanaw ka ng nakasakay dito at ikaw ay tinugis.

Muli kang gumawa ng isang matang-tubig
Upang sumisid sa ilalim ng tubig.
Lumikha ng ibang galaw sa tubig
Ang nalikha mong matang-tubig.

Humugong ang mahihiwagang bulong
Na may dumating na laginlin
Sa kinubkob nilang dati mong paraiso,
Ipinahahanda ang lahat ng palakaya sa tubigan
Upang ikaw’y hulihin at parusahan.

Kumalat sa lawak ng dagat ang likha mong matang-tubig.
Gusto mong bumalik sa sinapupunan na iyong hinimlayan ng mahabang panahon
Ngunit nagtatalo ang iyong isip sa naganap sa dating paraiso.
Nagpasiya kang manatili sa tubigan
At inalimaymayan ang nangyari.

Sumisid ka nang sumisid,
Paikot sa kaldera ng lawang may isang tumpok na lupa sa pinakagitna.

Nahuhulabid ka sa mga tulos at palipod, gilik, banlik, taliptip, burak, putik, pampers,
Plastik, yangkaw,bunggang hayop, balutan ng mga Jolibee, McDo, Chowking,
Kentucky, at ibang kuyagot at maritatas na nagpalinab sa malapad na tubigan.
Nahuhuli ka sa mga baklad,
Nasasagbat mo ang malalaki at maliliit na lambat
Na ikinulong ang mga isdang hindi mo kilala.
Nanginginig ang buo mong katawan
Kapag nalalawitan ang tubig na kinaroroonan mo
Ng isang makinang at matulis na may lumalabas na dagitab,
Nakita mong nakagapos ang lulumbanging lili,
Wala kang makitang kuyapo, miralya, baladre at balakbak;
Wala na rin ang ibang mga isdang kinagiliwan mo noon.

Nakakita ka rin ng mga bagong sasakyang tubigan.
May paraw, may batel, may gibara, may gawangan, may wakesa, may pagukpok,
May pampasaherohan, may lunday, may armadahan, may lampitaw, may kasko,
May lantsa, may hakutan ng langis, may regata, may speed boat, at may mga gawa sa Nakalalasong fiber glass.

Nakita mo rin ang walang pakundangang pagsalanta sa tubigang kinagiliwan mo noon ang mga mamamalakayang:
Mananalapang,
Mananakag,
Manunuro,
Mamamarukot,
Manggagalay,
Mangingitang,
Mamimiwas,
Mandadala,
Mamamante,
Mamumukot,
Mangangahig,
Maninikit,
Magbubukatot,
Mananalapyaw,
Mananalap,
Mag-aalig,
Maninikin,
Maninibulos,
Manunuklob,
Maninibog,
Mamamarakas,
Mananakebo,
Mananapo,
Magtatakilis,
Mangangapa,
Magbabaklad,
Manunuliya,
Magpipispen,
Mananalakab,
Mamamana
At mangunguryente.

Umiyak ka nang umiyak, walang tigil,
Hindi mo mabilang ang araw ng iyong pagtangis
Sa sinapit ng iyong iniibig na paligid.

Nagpasiya kang bago bumalik
Sa hinimlayan mo nang napakatagal na panahon
Ay dalawin ang dalawang dunggot ng pulong iyong binantayan noon.
Titingnan mo kung naroon pa ang natabunang gintong ahas
Na matagal na panahong binantayan at kinagiliwan ng iyong ama.

Nakita mo ang pakay na gintong ahas,
Litaw ang makinang at matulis na pangil nito
Sa dunggot ng Kinabutasan at kumikiwal na buntot nito sa dunggot ng Habagatan
At anumang oras ay handang manila, managpang at manibasib.

Pebrero 7, 2009


* Si Ayel ang Inang Lawa na pinagbantay ng kaniyang ama at ina sa isang paraisong ipinalilok sa diyos ng tubigan. Sa pinaka-utong ng bundok ng Dungaw naroon ang kinagiliwan ng kaniyang amang isang gintong ahas. Mulang pinanikitan ng panibugho ang kaniyang ina sa gintong ahas ay ipinaki-usap sa diyos ng lindol na pasabugin ang Dungaw at gawin itong isang paraisong hawig sa balaraw ng kaniyang asawa at ilagay sa ilalim ng lupa ang gintong ahas na pinanibughuan. Ito ngayon ang kinalalagyan ng pulo ng Talim na nasa gitna ng lawa ng Laguna.


Tala:

Alimagmag- pinagbahayan ng alitaptap
Anlog- salpukan ng maliliit na alon
Ayap- lutang, antaw
Balisunsong- korteng apa o bulkang baligtad
Banakal- balat ng kahoy
Batikuling- uri ng kahoy na malambot at magaang
Bulaod- gumagapang na bula sa tubig
Bumabawig- kumukurba, bumaluktot
Bunggan- naka-antaw o nakalutang na hayop sa tubig
Dalyamas- pinong himulmol ng ginto
Dayaray- mahinang dapyo ng hanging habagat
Duhol- ahas tubig
Dunggot- dulo, tangos
Giyaot- kiliti, gilawgaw
Gumigimbol- pagsayaw ng waterlili sa tubig
Iginalang- ikinuwintas sa leeg
Inalimaymayan- naulinig
Kamisola- kasuotang pambabae
Kumalabusaw- likhang ingay pag hinataw ang tubig
Kuwengka- lambak, lungki, tagong bahagi
Laginlin- singaw ng tubig
Lutrina- prusisyon
Mantik- paglalaro ng isda sa tubig
Paga- tabihan ng gamit, mezzanine
Palipod- nabaling tulos o kawayan sa tubig
Sibok- pagbagsak ng isang bagay sa tubig
Sintas-sintasan- damong tubig
Tag-an- uri ng isdang tabang na may lagare sa nguso
Tagunton- hipong tabang
Tigiti- maliit na kanduli
Tikiw- damong mahalas ang dahon, buntot-kalabaw
Tinagilumi- kinapitan nang dumi dahilan ng pagkupas
Tuminghas- tumilanghad, pagtaas ng ulo
Tumugpa- lumusong, bumaba
Umalatiit- ingay ng naiipit na bagay
Yapyap- maliit na hipong tagunton

Saturday, January 3, 2009

Kuta Ni Tata Art Center sa isla ng Talim






Sampung taon ang lumipas matapos kong bumili ng isang solar sa isla ng Talim ay nagpapulak ako ng labintatlong malalabay na kawayan sa dalisdis at parangan ng bundok Mabilog sa sityo Tabon Mainit sa isla ng Talim upang ituray ang isang malaong pangarap, ang makapagtayo ng isang art center sa isla ng Talim kung saan ako isinilang.

Sa pagpapakis-pakis ng pangarap at pagtutulong-tulong ay napasimulan ang isang Kuta noong Oktubre 2, 2008. Malaking kantidad nang ginasta rito ay ang palipad-pera ng aking Dayunyor na nasa Australia. Saktong isang buwan natapos ang kabahayan ng Kuta at sa painut-inot na pag-uuwi ng mga nililok kong eskultura ay nagkahugis ang aking itinayong Kuta.

Una kong ginawa ang isang live mask na semento at itinuray ang isang iisandaaning taong gulang na mulawing nahingi ko sa isang pamangking nagmana nang ginibang matandang bahay at ang pinakapahalang para maging Kurus ay isang metrong yakal humigit kumulang na galing naman sa mga labing tatal ni Napoleon V. Abueva noong ako'y gumagawa pa sa kaniya mga taong 1970's.Isinunod ko ang paggawa ng isang nitso at inilagay ko sa loob nito ang aking bangkay na semento.

Ginawa kong art ang hinukay na tuod ng kawayan, pinagpatong-patong ko ito upang maging isang drift-grass upang mataniman ng halamang bromeliad at mga ligaw na halamang namumulaklak tulad ng buntot-kalabaw o tikiw at ulikbangon.

Saktong tatlong buwan nang pasinayaan at gawaran ng bendisyon ng Kura-Paroko ng San Francisco de Assisi at Santo Domingo Quasi ang itinayo kong Kuta kung saan ay nagpadugo ng isang kambing at isang baboy. Ipinabatid ko sa Paring nagmisa ang aking layunin sa aking Kuta kung saan buong giting niyang pinuri ang aking itinatag na Kuta, higit ang nitso na siyang pinakasilbing entablado.

Dito nalantad sa mga taga nayon at kadatig pook ang aking ginawang nitso na may sarili kong bangkay. Dinadayo nila ang nasabing nitso upang tingnan ang isang arteng kakaiba.

Kaya mga kamakata, ka-eskultor, halina kayo't buhayin natin ang sining at arte sa pamamagitan ng isang malikhaing pagpapakita sa ating mga nakatagong wido upang sumigabong higit ang mundo nating ginagalawan.

Tula nang tula!
Lilok nang lilok!

Mula sa Kuta ni Tata Art Center sa isla ng Talim