Narito ka sa aking kuta ngayon...
At noon, ako si Raul bilang eskultor.
Malikhain ang diwang naglalakbay
Sa laot ng himpapawid at sa kalawakang
Malao't madali'y mararating ko rin.
Lumililok, humuhulma, pumapakat,
Humahakab, tumitibag ang banayad
Na pukpok ng puntod na moog.
Tinutula ang tubig, lupa, langit at pag-ibig.
Muli, narito ako at magluluto ng ibang putahe,
ang tula sa eskultura at ang eskultura sa tula.
Pagmasdan at basahin ang aking ESKULTULA.
Eskultula Ni Tata Art Gallery
ESKULTULA NI TATA ART GALLERY
Pormal na binuksan noong ika-20 ng Abril 2008 nina Director Vim Nadera ng Institute of Creative Writing ng College of Arts and Letters sa UP Diliman at ng pinakabatang Hall of Famer ng Carlos Palanca Awards Roberto T. Anonuevo.
Invited guests sina Pambansang Alagad ng Sining sa Literatura Virgilio S. Almario at Pambansang Alagad ng Sining sa Eskultura Napoleon Veloso Abueva.
Dumating din ang grupo ng mga makata,manunulat at artista sa pinilakang tabing sa pangunguna ni Orestes Ojeda.
Lumagda sila sa isang antigong dulang na ngayon ay naka-ukit na ang kanilang iniwang bakas sa nasabing dulang.
Lahat nang nais dumalaw sa kuta ni Tata ay mangyari po lamang na mag text sa 0920-9077132 upang makipagtipan sa inyong lingkod.
D2 mo tunghayan ang aking mga likha
Ribbon-cutting ceremony
Tuesday, July 15, 2008
Bright idea: Busto ni Rio Alma
Tatlong araw na akong umiiskiyerda sa aking kuta upang bigyang daan ang matagal ko ng proyektong ipinangako sa mga dakila at tarikan ng panulaang Filipino, higit kay Atty. Dem Villanueva.
Tuwing Biyernes ng gabi, hindi kami pumapalya sa pagpunta sa isang kaibigang abogadong napakahilig mangolekta ng sari-saring paintings, sculpture at haling din sa pagtula. Si Atty. Redemberto Villanueva. Hindi lamang kaming grupong manunulat ang kaniyang nagiging taga-inom, taga-kain at taga-kuwento bagkus nilalanggam din ang gabi ng Biyernes sa kaniyang mga kasamahang Judge, Artista, Diwata, katropa sa Ateneo Law School, Mahistrado at iba pang buraot na kaut-utang dila.
Si Ser Rio Alma ang nagpakilala sa akin kay Ser Dem bilang isang eskultor, minsang isinama niya akong tumula sa isang nude painting sa kaniyang bupete sa roof top ng C.C.Castro International sa Timog Ave. makasaysayan ang pagpakilalang iyon ni Ser Rio Alma dahil sinubok ni Ser Dem ang aking kakayahan nang ipagawa niya ang isang larawan ng Lady of Justice na ililok sa material na bronze. Dalawang araw ang ginugol ko upang matapos ang eskultura at nang ipakita ko ito sa kaniya ay lipos siyang natuwa at mula noon, lahat nang gawin kong eskultura sa tanso at kahoy ay kaniyang binibili hanggang sa nakakasama na namin siya hanggang sa aking kuta kasama ang mga dakila at tarikan.
Ipinagmamalaki kong nakapundar ako ng isang katamtamang loteng tirikan ng bahay sa pagkahilig niya sa aking obra. Isa siya ang nagpanukala na lilukin ko ang busto ni Rio Alma nang lilukin ko ang busto niya sa kahoy. Hanggang nabalitaan na lamang naming inambus siya sa ibabang parkingan ng kaniyang bupete at sa awa ng Diyos ay nabuhay siya sa walong tama ng kalibre 45 sa iba’t ibang parte ng katawan at maniwala kayong ang fatal sanang tama niya sa tapat ng puso ay ang nagsalba ay ang kaniyang fountain pen na humarang sa isang balang lalagos sana sa kaniyang puso. Mabait na tao si Ser Dem dahil marami siyang pinag-aaral na batang anak ng kaniyang mga kawani, bigay-pala siya sa mga nangangailangan at down to earth siyang makisama. Likas sa kaniya ang mapagmahal sa mga diwatang lumulusong sa batis ng kaniyang engkantasya tuwing Biyernes.
Natigagal ako nang mabatid ko ang halaga ngayon ng tierra cota at iba pang material gamit sa paggawa ng busto subalit dapat ko nang isagawa ang busto dahil lumalalim ang gabing hindi naman hinuhukay.
Layunin ko’y umukit ng isang pambansang alagad ng sining bagaman marami na akong nagawang mga busto ng bayani tulad nina Rizal, Mabini, Aguinaldo at maging ni Hesukristo. Nais kong ako ang maunang lumilok kay Rio Alma dahil isa siya sa humubog sa akin bilang makata upang matupad ang pangarap kong magkaroon ng libro.
Naging ideya ko sa busto ang pagiging malawak ng saklaw ng utak o isip ni Rio Alma sa panitikang Filipinas kaya naisip kong dapat na kaiba ang lililukin kong busto sa kaniya kaysa nakapamihasnang tradisyunal na porma, hindi iyong nakatayo lang na putol hanggang dibdib at walang kamay na ang bikas ay isang bayani. Ginawa ko siyang buo ang dalawang kamay na ang hintuturo ng kanang kamay ay nakatuon sa tapat ng kanang sentido na may lumabas na isang diplomang papel na romolyo patungo sa kaliwang kamay na nakapatong sa isang libro at ang kaliwang kamay ay may hawak na pluma na sumasagisag na may pinag-aabutan siya ng kaniyang hawak. Pansamantala kong binigyang pamagat ng “Bright Idea” ang busto ni Rio Alma. At kahapon, Hulyo 10, natapos ko ang tierra cota at kasalukuyang imomolde ko ito sa plaster of Paris upang maging isang ganap na busto nang tawagan ako ng isang dakila upang anyayahang makipagkuwentuhan sa harap ng tigatlong bote ng lite beer kay Sarah’s Place. Sina Jun Balde at Roberto T. Anonuevo ang kabarikan ko, maraming kuwento si Jun Balde at hindi siya nawawalan ng kuwento sa kaniyang bayan at higit sa kaniyang nayong nilakihan sa Bikol. Ganun din si tarikang Bobby, lumalabas na higit ang pagkatarikan ni pareng Bobby kapag nabubuntugan ng beer ang kaniyang bahay-alak, malalalim na pangungusap ang lumalabas sa kaniyang bibig na kapupulutan ng iba’t ibang kaalaman hinggil sa panitikan. Kumbaga’y halimuyak ng mababangong bulaklak at alimbukad ng isang bagong silang na buntala.
Natapos ang kuwentuhan at barikan namin sa isang kasunduang ilililok kong lahat ang mga tarikan at dakilang tropa naming at si Jun Balde ang isusunod kong pakatin at palasin ang mukha sa bukot at takuyan ng aking palad na hinabulan pa niya na :”H’wag kang mamumroblema sa pera sakaling ako na ang iyong nilililok.” Si Jun Balde ay isang Oragon na dating Inhinyerong naging kasangkapan sa pagtuturay at paglalatag ng mga gusali at kalsada sa buong Pilipinas bago naging isang tarikang nobelista.
Hulyo 11, 2008 Raul Funilas
Sunday, June 8, 2008
Pagkalipas Ng Huling Hapunan (Modern Last Supper Sculpture)
Ni Raul Funilas
Pagkalipas ng Ating Huling Hapunan ay Tayo'y magsasaya.
Pagsalu-saluhan Nating kaini't inumin ang tinapay at Coca-Cola,
Magpakabusog sa ibabaw ng ating lamesa ng handang meryenda;
Sa ilalim ay may isang kahong nakahanda at tila tinitira na
Nina Hudas at Bartolomeng sabik sa San Miguel Beer na serbesa.
Note:
Ang pinaglilukang kahoy ng eskulturang ito'y tinatayang nasa humigit kumulang sa dalawandaang taon na. (200 yrs old)Galing sa ginibang pabahay ng mga kawaning nakatira sa Balara Filters Plant Sa Bgy. Pansol, Diliman Quezon City
Holy Family
Bromeliad
Lady of Fortune
The Original Balanggiga sculpture
Tuesday, May 13, 2008
Eskultura at Erotika
Eskultura at Erotika
Posted on May 9, 2008 by Roberto Añonuevo
Ginulat ako isang araw ni Raul Funilas sa pagbubukas ng kaniyang munting galeriyang tinawag na “Eskultula ni Tata Art Gallery” sa Don Antonio Heights, Lungsod Quezon. Itinanghal niya sa unang pagkakataon ang kaniyang koleksiyon ng mga eskultura na yari sa bronse, kahoy, bato, kongkreto, plaster, at iba pang midya. Ang kakatwa’y tinambalan ni Tata Raul—na magiliw na tawag sa kaniya ng mga kaibigan—ng pambihirang siste at pagdulog ang kaniyang likhang eskultura, kaya ang dating pagtingin sa katawan ng babae o lalaki o pangyayari ay nakakargahan ng mga pahiwatig na makayayanig sa pandama at sensibilidad ng sinumang makakikita.
Halimbawa na’y ang kaniyang “Si Malakas at si Maganda” ay hindi iluluwal ng buhông nabiyak ng tuka ng isang ibon. Ang buho ay mismong tarugo na tulî, at sa loob niyon ay makikita ang magkayakap na lalaki at babae na kapuwa nakahubad, at tigas na tigas ang burat na akma’t handang kumarat. Kung sisipatin sa malayo, ang nabiyak na tarugo ay hindi na mag-aanyong titi, bagkus animo’y pukeng magsisilang ng katauhan ng dalawang magkasalungat na kasarian.
Ngunit huwag akalaing pulos kalibugan ang mga likha ni Tata Raul, at humahangga sa kabastusan. Humubog din siya ng mga eskultura ng mga batang nagsasaranggola, na inukit sa matigas na kahoy ang mga bata at ang mga saranggola naman ay yari sa tanso na animo’y lumulutang sa hangin. O ng mga batang namimingwit o mangingisdang gumagaod o nangingisda. Ang malalaking isda, sugpo, bibe, o alimango ay maaaring yari sa tanso o kahoy, at depende na sa mamimili kung ano ang nais niyang itanghal sa loob man ng bahay o sa gitna ng hardin.
Retablong relihiyoso, estatwa ng santo o mananayaw, busto ng alagad ng sining, lamparang yari sa kawayan, orasang pandingding, kandelabra, maskara, dulang na yari sa kahoy na tinatayang edad 200 ang tanda, at kung ano-ano pang kuntil-butil ang masisilayan sa galeriya. Si Tata Raul, na dating katuwang ng mga eskultor na gaya nina Billy Abueva at Jerry Araos, ay lumikha ng sariling pangalan at nagpatag ng angking landas kahit sa panulaang Filipino. Ang ibang tula ni Tata ay nakaukit mismo sa dulang o retablo o estatwa, kaya ang imahen ng isang bagay ay hindi na lamang basta masasalat o magagamit bagkus kababakasan din ng mga talinghagang kapupulatan ng hiyas ng diwa.
Abot-kayang halaga ang bawat piyesa na makikita sa galeriya ni Tata Raul. Gayunman, hindi nangangahulugan iyon na mababa ang kalidad at antas ng sining ng pagkakalikha ng bawat eskultura. Mahigpit ang pamantayan ni Tata Raul pagsapit sa kaniyang mga likhang sining, gaya lamang ng pagsulat ng bagong tula. Kayo na ang humusga, at dalawin na lamang ninyo ang kaniyang “Eskultula ni Tata Art Gallery” na matatagpuan sa #25 Holy Spirit Drive, Don Antonio Heights, Lungsod Quezon
Sunday, May 4, 2008
Maglalako
Guryon
Saturday, April 26, 2008
Wagi si Tata
Mananayaw
Isinasayaw ko ang iyong kaluluwa
Sa tuwing humahampas ang hangin.
Kailangang walang makaalam
Na ikaw'y galing sa sinapupunan
Ng diyosang walang paraiso.
Umindak kang nakataas ang kamay,
Nakatiyad at nakabuka ang bibig.
Habang ako'y nagbabantay sa iyong indak.
Punuin mo ng hangin ang iyong katawan
Upang sa paglipas ng unos
At sigwada ng hangin,
Tayo'y papailanlang sa himpapawid.
Ipagpapatuloy natin ang walang humpay
Sa pag-indak upang magising
Ang mga anitong nagbabantay
Sa bahaghari at ipuipo.
Salisurin mo ng iyong paa ang alapaap
Na may kalong na tubig upang ibuhos
Nito sa gagawin nating himlayan,
Kapagka napagod na ang ating mga paa sa pagsayaw.
Raul Funilas
Marso, 2008
Thursday, January 24, 2008
Banog
Bumukas ang iyong pakpak
Dahil ikaw’y naghahanap
Ng pagkain ng ‘yong anak
Na tuturuan paglipad.
Bumaba kang sumisisid,
Ang inahe’y naligalig
Ng sisiw mong dinadagit;
Ang pakpak ang itinakip.
Libong taon kang lumutang
Sa lawak ng kalangitan,
Sa lahing ibon ng bayan;
Hari ka kung tagurian.
Kakak mo ri’y umiiyak
Pag sa hawla ka’y nasadlak.