![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEgU4w2FVt58Fzz7ImcMIFSZfoJpXw9gksbsjtk1iSpZcbu1QXInI2qaC6DbCdLLtKLJ_EccCQsxB1eS66hGHCP1tJxh6Kk-95ptyCnQQ3AwH0gnrA6T3cHZtqNsngiHd3Es7L1CO-Eo_-0t/s320/glass+trophy.jpg)
Pang-anim na taon na pala akong lumililok ng tropeo ng Philippine Legislative Committee on Population and Development Foundation Inc.(PLCPD) Bagaman pitong taon nang naitatag ang naturang institusyon. Unang lilok ko ng tropeo ay kahoy sa atas na rin at usapan namin na noo'y Executive Director Romeo Dongeto na siyang nag-aprub ng aking naipresintang eskultura. Apat na taong kahoy ang nililok kong tropeo ng PLCPD. Napalitan ito ng glass noong nakaraang taon at higit na nagustuhan nina Senador Chiz Escudero at Congressman Edcel Lagman na siyang namumunong Senador at Diputado sa PLCPD.
Ngayon ay kasalukuyan kong hinuhulma ang labing-isang tropeo para sa mga mapipiling magigiting nating Reporter sa diyaryo, radyo, at telebisyon na siyang gagawaran ng papugay sa darating na Nobyembre 29, 2011.
Muli na namang malalahiran ng mantika ang aking nguso na laging nanunulis kapag nilililok at hinuhulma ang tropeong maglalambayog sa mga dakila nating mamamahayag sa bansa nating hindi na maka-ahon sa mga suliranin. Dangan nga'y sa sikat na Gateway Mall sa Araneta Center ginaganap ang reception.
Binibigyan din ako ng papuri at ipinakikilala sa mga dumadalong mararangal at kagalang-galang na panauhin na siyang lumilok ng kanilang kinasasabika't gusto ring mapasakamay na tropeong umaalimbukad kapag natutudla ng dagitab ng maniningning na lampara sa bulwagang pinagdarausan ng paggagawad ng parangal.
Muli, maraming salamat sa pamunuan ng PLCPD na patuloy na nagtitiwala sa himas ng aking huklubang palad, may maibabahagi akong muli sa mga dadalaw at makikipamasko sa akin sa darating na kapaskuhan.
Marami ding salamat sa ngayo'y Executive Director Ramon San Pascual at sa mga staff ng PLCPD na laging sumusuporta sa akin lalo na kay Dodie.
No comments:
Post a Comment