![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEiVB4BmrAwe9y3NjNt8kzDD4HFeWDlRBhgjlZ1iw4g3qqpPEEvOW4BN74GId2Dku_MxeZ711ToJ1VisK5xy-Lq1NS2MhuKVvjELZ8vvrEaaHt7QIlgqVy2Yn9xnebteYHanQoGyPHlOcs_y/s320/03112010(003).jpg)
![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEg5o1BaVxMwRysc3y1EjMinDUtU53JlTT5xDjmDfwd-vXPE9HvMawJa3eEmJ2GrrrV3oht-11oIR1bhCxGXStnqKTREHRwyUH0mDj_8U1EfjXfNv2legGiL102yTnkI2iEf8rjh9nyAGwQx/s320/03122010(009).jpg)
![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEieux1nIDYfXAeB1dyrBJ1aDdzll0x-KhH7x2yQ6K6PcqSTtrWvBaT_BAikFLSAS_9rQRS7le17vJj61OprYU1cgq45qQqL8-pQHs4qiKgCu6iGGV1T43vEsKOS6EP0t8g9BrlHnbMNqfy0/s320/03122010.jpg)
![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEgRuFwR6lsVUsX1idzcwyAbOpvpr5KrxXPX27SePy-NK81id5Jz72PXw2944PRT9g8haXprQYEHyNc-wB8uzevCNbmNlXIEn6y-oepu7anIyhWDUaaCr_O7cTGM3oBcXcBR2UZR0x_8YEZL/s320/03122010(001).jpg)
Hindi ko sukat akalaing mapadali kong ililok ang isang Paring taga Belgium na nagpasimulang magturay ng isang paaralang magbubunga ng mga kikilanling tao sa iba't ibang panig ng mundo.
Nitong nakaraang huling buwan ng 2009, ginawa ko ang rebulto ng Pambansang Alagad ng Sining sa Literatura na si Edith Lopez Tiempo na pinugayan o pinarangalan sa kaniyang lupang tinubuan sa Bayombong Nueva Vizcaya. Sa pangunguna ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at Likhaan sa University of the Philippines, naitayo ang isang bantayog Nueva Vizcaya State University (NVSU) sa harapan ng kanilang isang gusali doon.
Nakamasid lamang pala sa ginawa kong rebulto si Dr. Mauricia D. Borromeo na taga Solano, Nueva Vizcaya na naging Dekana sa UP- College of Music sa Diliman. Hanggang nang matapos ang pagpupugay ay ipinatawag niya ako sa kuwarto naming tinitigilan nina Prof. Vim Nadera, Vic Nierva at Eva Cadiz sa NVSU. Nagandahan daw siya sa ginawa kong busto at kung gusto ko daw na samahan ko siya sa kanilang bayan ng Solano upang tingnan ang lugar na plano 0 balak nilang paglagyan ng ipagagawa nilang rebulto ng isang paring siyang dahilan upang maitatag ang sa ngayo'y Saint Louis School (SLS) na nasa bisinidad ng simbahang ang mahal na patron ay si Saint Louis de Beltran sa bayang Solano, Nueva Vizcaya. Si Father Jose Wafeelaert CICM ang tinutukoy ni Maam Maurie na gagawaan ko ng rebulto na namatay daw noong 1957. Si Dr. Mauricia D. Borromeo pala ang President ng Class 1955 sa nasabing Saint Louis School. Pinakuhaan niya sa akin ng litrato ang isang nasa kuwadrong si Father Wafeeleart ang nakapagkit.Nagkasundo kami sa gagamiting materyales at halaga ng rebulto. At sa Oktubre daw ng 2010 ang balak nilang magkaka-eskuwela na ipagawa ito dahil sa lilikom pa sila ng pera sa mga kaeskuwela niyang pinalad ang buhay sa Estados Unidos. (Maraming pinalad sa buhay na nagsimulang mag-aral sa Saint Louis School na nasa Solano Nueva Vizcaya na ngayo'y hindi nakalilimot sa kanilang paaralang pinanggalingan.)
Nitong nakaraang linggo ay isang text mula kay Maam Mauricia ang aking natanggap at tinitipan niya akong magkita kami upang pag-usapan ang gagawing rebulto ni Father Wafeelaert. Kinagabihan ay hinanap ko ang file sa aking kompyuter ng litrato ni Father Wafeelaert at nakita ko. kinabukasan ay ginawa ko ang armadura ng rebulto at kinagabihan ay hinimas kamay ko na ang modeling clay para sa gagawing rebulto.
Tinawagan ko si Maam Maurie para magkita kaming muli sa UP College of Music sa Diliman para maisapinali na pirmahan ang kontrata at maipakita ko tuloy ang panimulang himas kamay sa rebulto. Nasiyahan siya sa nakitang panimulang himas kamay kay Father Wafeelaert bagaman clay model pa lamang. Nang mapirmahan niya ang kontrata ay ibinigay na niya ang paunang bayad at kinagabihan ay muli kong hinimas kamay ang clay model ni Father Wafeelaert.
Muli, sa duyan ng aking guniguni'y lumangkap na naman ang isang di inaasahang pangyayari. Hindi ko alam kung saan huhugot ng kasagutan kung bakit ako ang napipiling lumilok ng mga kinalulugdang personahe o tao sa kanilang panahon. At lagi akong nananalangin sa Poong Maykapal na kung ito man ang gantimpala niya sa akin sa mga libong pasakit na tinamo at lumangkap sa akin noong ako ay bata pa ay lipos kong pinahahalagahan at pinasasalamatang malabis.
At lagi akong naghihintay, kung anumang kaloob na ibibiyaya pa sa akin ng Diyos ay iisa lamang aking sinasabi... SALAMAT.
No comments:
Post a Comment