![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEhJk0dP59KUFa90sEAF2iXeDg_UZjgp82iW7081CACzaB7YGo0uV4SJ9DHHflrD_Pv0q5hqvvXzflyXX_0HgFBlgLD-MXbjXNCkmGG7AGMb6OdSWMk1DEbpuyoFEcrnirbZrJErhLRVhTgn/s320/050520091121.jpg)
![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEjzPYr0LgbVBcHLbHLhi170edwcydetOCUgiHfiKt1XcgaeqTQlimGbH-0aPgqMwgJ5N-Oq0AglUFDTyDGjHFCzwt-yNqF2Cn89b-W6WP3N8kiTLMTGkTjnIrmCKp0lDCEriCkSKmrcOLdH/s320/050820091161.jpg)
![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEg6SvglLjXaKYpYc-bHle2gl6BAo6o2FWvr8B5ojb3gmjtVnsBxVRSNB-3_yucAUpbz7uROfuBab5mqJLHxXXPx-1FZS23APLoVlhOEPne8PQf-xY4OfsoiLXOlz1fqsOGqWC1SYt_3iNAZ/s320/060120091332.jpg)
Katanghaliang tapat nang may tumawag sa aking celfone upang alamin kung saan ang address ng munti kong galeriya. Si Bb. Ma. Juliana M. Noces ang nasa linya at sinabi niyang naghahanap sila ng eskultor na lililok kay Pangulong Ramon Magsaysay upang ilagay sa kanilang ospital/paaralang UERM na nasa #64 Aurora Blvd. Bgy. Dona Imelda, Quezon City. Sinadya niya ang aking galeriya at bahay upang makita niya ang aking mga nililok na rebulto. Sa madaling salita'y nag-iwan siya ng isang pangakong masarap pakinggan sa aking tinututuling tainga.
Ilang araw ang lumipas, nag-email siya sa akin at pinagsubmit ako ng qoutation sa isang rebulto ni Magsaysay na tatlong materyales ang gagamitin. Nagsumite ako ng materyales para sa tanso, synthetic marble at synthetic bronze at ang napili nila ay ang pangalawa. Lumipas ang isang linggo, tinawagan ako ni Madam Julie Noces upang magdala ng sampol ng gawa kong yari sa synthetic marble at ihaharap daw nila ako sa meeting ng board upang pagpasiyahan kung gagawin na ang rebulto.
Ang huling kumausap sa akin ay ang tatlong inhinyero at arkitekto ng UERM at sa ilang palitang usap ay dinala nila ako sa kanilang Vice Chairman Mr. Young. Agad namang inaprubahan ang nasabing qoutation at pinagsumite naman ako ng isang kontrata kung saan ang pumirma ay kaming dalawa ni Bb. Noces.
Tatlong linggo ang ginasta ko upang maitayo ang pedestal na may sukat na 3ft. X 5ft, dalawang marmol slab na pinaglagyan ng Credo at dedication, bago ko hinulma ang modeling clay ay pumunta si Senador Jun Magsaysay sa galeriya kasama ang isang arkitekto ng UERM at si Bb. Noces para aprubahan ang rebulto ni Pangulong Magsaysay kung kamukha na.Binigyan pa ako ng libro ni Senador Magsaysay na inakda ni G. Jess Sison kung saan ang mga anekdota niya ang nakalagay sa libro at may mga larawan ni Pangulong Magsaysay. Medyo ipinabago ang pisngi at ilong at makalipas ang isang araw ay nai-email ko kay Senador Jun Magsaysay ang larawan ng binago kong rebulto na matamis na ngiting "much better, pogi ang aking tatay dito." Nasabi ko na lamang na: Ito na ang pagkukurus ng aming landas ni Pangulong Magsaysay.
Isang araw at isang gabi ang aking ginugol upang mailagay sa pedestal ang busto ni Pangulong Magsaysay kasama ang Credo niya. Lumipas ang dalawang araw ay muli akong ipinatawag ng pangulo ng UERM upang lumilok muli ng dalawang rebulto ni Pangulong Magsaysay na walong pulgada naman ang taas at kanila raw ibibigay kay G. Lucio Tan at sa kanilang LIbrary.
Kanginang hapon, natapos kong hulmahin ang walong pulgadang rebulto. Nakatutuwa sa aking puso ang mga nangyari, may mga katanungang bumababag sa hindi ko mapaniwalaang kaganapan. Bakit ako ang napisil na lumilok ng isang pangulo ng bansa samantalang maraming dalubhasa't pantas ang nakapaikot sa kalakhang siyudad?
A, marahil ito ang tinatawag na takda ng tadhana at ako'y naniniwalang nilukuban ang katawan ko ng mga dakilang eskultor mulang makita ko noong nakaraang 2004 sa isang basurahan ang busto ng pantas at ama ng Parmasyotika sa Pilipinas na si Leon Ma. Guererro na halos luray sa pagkakatengga kasama ang mga basag na garapa at kalawanging silya sa isang lugar sa UP-Diliman na nililok ng Pambansang Alagad ng Sining sa Eskulturang si Guillermo Estrella Tolentino noong 1953 na buong tiyaga kong nirestore bago ibalik sa inapong si Madam Carmen Guererro Nakpil.
Hunyo 1, 2009
Sa aking Galeriyang puno ng Rosas
4 comments:
nabasa ko at pinanood ang lahat ng inyo po ng inyong nalikha na tula, nalilok at mga bidyo: "Isa po kayong tunay na alagad ng sining... na may matinding pagkilatis sa kapaligiran at pambihirang pang-unawa-- Isa Kang Dakila, Isa Kang Inspirasyon, Tata Funilas! Mabuhay Po Kayo!"
---PenPen
Isa Pong Inyong Tagasunod
At Tagahanga
Maraming salamat, PenPen... ang mga katulad mo ang nagpapabaga sa apoy ng aking pagmamahal sa sining...
Tuloy ang pabaga... tula nang tula.
Tata
Go Go Go, ang galing galing mo. Tunay na hinubog kayo ng kapayakan ng ating mayaman at maipagmamalaking lugar, Binangonan, ang bayan ng mga mamamayang maka-Diyos at marunong makipag-kapwa tao.
Isa po akong guro dito sa Macamot, Binangonan, Rizal. Nakita ko po ito ngayong araw nang bigyan ng assignment ng isang kapwa ko guro ang aking anak tungkol sa mga bagay me kinalaman sa ating bayan.
Gng. Leonisa Celones Grana UY
Madam Leonisa,
Magandang araw po! Kung inyo pong mamarapatin, ako po ay anak ng isang Celones, ang lola Eudiveges Dondoy Celones ay may anak na pito at isa doon ang nanang ko.
Taga Tabon po ako sa isla ng Talim at anak ni Tonieng Funilas na anak ni Indong Tugko o Malagkit.
Noon pong Martes ay nakasama ako ng mga sundalong Amerikano upang magdala by chopper Cinook ng mga relief goods sa ating kababayan at nakasama ko pong taga munisipyo ay sina Rhea Ynares na anak ni Boyet at Jenny Dilag na head ng Social welfare ng ating bayan.
Maraming salamat po!
Tata Raul
Post a Comment