![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEjCV2dDtr0i9GKhiNzOrlN3eZX5c27Ho2NDlSSDzPJ2-0YNjq9gk9DH83zna6UdFWP5zqnY6_VKGktMQMbOS0810bYed4ofRMOMgE44R2i9hij3sZsiTockZO0euRwypxEjX-Huk9PBDHcG/s320/Artistang+bayan.jpg)
![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEiwtSvuOQ03FR3tCsZTRKEpTN6Uagj_TVB40PpgjYmWdF5PF9ewpp64Ct3DodrT5k602JZx6Gqv5lK_TMr5LjSroNI1cDUWEcFaAtJkymQz1f6s2lZj9qJn36Sxo2GWVa5cXK2jwY7YUYfW/s320/041520122532.jpg)
![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEj5ePbpVmjivrzTm_sSEQm0eyRx6NJaETzCkAAHbmFibkaULimsaYSPpbjkMbKSQ_sbjluirXRBu8hPQEaj-8eVtmb1Ir1hdlMjQpe83ciPH6k-SHT1WPjF-nYyhna4TJ3kFjjAd-ay9VNz/s320/Leaves+dahon.jpg)
![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEg3ZAVHkE-UqmYpTbZOLUp9mwragf0Cj4V2sAUsK_zo_jy7d3fpN8qiLiJx6EJwqMaDcNnkG95ZQ6NTe8CIzM9hghL23_DtXAa95hx8m9zqk4kzMhQdh3eQd8p1wbhabHjFwxOfnThwfms2/s320/Final+touch+of+lawrel.jpg)
![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEhttgAm5HrwMHfzDO5-9NibBzJE9L64XoCLxfxLk7YygbpZEWMiEVOoD4TT3O3T8ZzPK1AGD_LaPznebhExxtnRqNm8ZAHAFGbwqY01JPs9kRxUoeAwykAhyaICWYz0icsriCH72dFziOL7/s320/Draft+form+lawrel.jpg)
![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEgSdfH1vzZtZNEoiqUqjcUNbR46KbNr7v1Z-FWjpkJVVDfuZ1h9x8PI5QEdBMBVNyTuMnnAqrxw0OQKsAAJrybOIu4-jUT3aNeoKWcCQv8_5cJIChjCIQROqynP6Diqt3cyv6cMxbyBnwf-/s320/Tata+Makata.jpg)
![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEj32fqgp5mPXyoHBr55-9cU9kZim7ue-MDFhdNaiL834CNkKoUWDuPzM4y0cGvETQIuCAqFMGZx-S5KSlGFJtM_bLMVCCO94-nya5YvppxOOSlLvSx7dlYWdBoViWI3YTNFC6ctptpbjMnB/s320/Lawit+ng+lawrel.jpg)
![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEhNy-VOxOUhu3mErte1SVLgKrti3QlSyFxUirRXhw4gj9DYXgU0BrbtZvX9QmSy34YVKeoEOb5fTuyQt3qFAetwO1zvhmX_HZiBXg6mqHAAQcgygU-SRav74ISkbr_PDaJP7YcKcn0ATF_V/s320/041520122554.jpg)
![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEhU6pa2aLe_3Bd1iq42DXW0pvjqo0-CWPZU5OFEO2n4ePBJMtpkd2xmDwdIT77h_40HM708Z4Va6thecY1ZudbEjaetTCqjn3xekm48n2XJYtUE4F2wqsusX0Tbnp6pEB1J5-46Fyq4tqfz/s320/535828_3159288776546_178121660_n.jpg)
![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEj_5qPg8fFZZDsjvbBDwEfXzyTI5TYAIdriQzarNalttVIWXqSy59kYCEgxLYldVsffWYZpy3K5X1tj3dqvT3IC8T5P1tIUZN_1mFjKaxr5n65y8QBZNFAZlvI9W4JirwwQCmIE_7j_v0Pr/s320/032520122260.jpg)
![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEiNQ66lbBaZ7moCKRSPjsUNUz0PssFUhV7YOB3yCQfbsYTdegOoWn6eHI-AID1MVlG8CEmmHgmUt8G_2b1EQ3FHxeeGqsCyIYKIvWeh0hw5tSxfZK7Q-9picuTfV9bd7Ef0h3_jZcPKRw0C/s320/Draft+form+lawrel.jpg)
Ipuputong daw ito sa nalalapit nitong kaarawan na gaganapin sa Wilfrido Guerrero Theather sa UP-Diliman. Unang tanong ko'y kung gaano kalaki ang ulo ni Ser Bien at ang sabi sa akin ni Ron ay halos kasukat ko daw ang ulo ni Ser Bien. Sa ilang palitan ng kuro ay nabuo ang isang plano sa pamamagitan ng isang larawan ni Balagtas na may putong na lawrel. Kinabukasan, muling nagpadala sa akin ang tropang CAP ng ilang larawan ng mga dakilang makata na may putong na lawrel at doon humabi ang likaw na isip ko upang pagpakis-pakisin ang isang nabubuong larawan sa oido ng aking utak.
Tatlong araw kong pinag-isipan ang ipinagagawa nilang lawrel at nang mabuo sa isip ko ang gagawin ay tinabas ko na ang isang pilyego ng tansong may gauge 18 ang kapal.
Nagdaras din ako ng dalawang bagong moldurang gagamitin ko sa pag-ukit ng dahon. Iniuwi ko pa sa isla ng Talim ang nasabing dahon upang doon ko ito gawain. Nang magawa ko ang mga dahon ay ang sanga at buntot naman ang aking hinipo. Maraming beses kong sinipat ang distansiya ng bawat dahon na aayok sa haba at sukat sa aking ulo. Kinukuhaan ko ito ng picture sa celfone at ipinadadala ko kay Renan para sa kanilang approval. Nang mahigingan kong walang pagtutol sa aking ideya ay ibinalot ko na ito at umuwi na ako sa UP-Diliman.
Dalawang araw akong nagkulong sa aking munting studio upang ihinang ang lawrel ni Lumbera.
At nang matapos ay tinawagan ko si Ron upang tingnan ang aking ginawang lawrel. Walang namutawi sa kaniyang bibig kundi ang paghanga. Huling sabi niya sa akin ay: "Huwag kang mawawala sa Abril 16, 2012 sa pagpuputong kay Lumbera".
Nang dumating ang araw ng pagpuputong ay halos mapuno ng tao ang step ng Palma Hall sa UP-Diliman na dinagsa ng mga Artistang Bayan. Dumalo din sa okasyon sina ka Satur Ocampo, Pangulong Pascual ng UP, Mrs. Lopez na asawa ni dating UP President S.P. Lopez at iba pang kilalang mga tao sa larangan ng sining. Si nanay Mameng Dioneda ang nagputong ng lawrel kay Ser Bien. Apat na stage ang sumalubong sa pinugayan na kinabibilangan ng Kontra-Gapi , Philippine Harmonic Orchestra at isa sa mga humarana ng makabayang awitin si koyang Jess Santiago. Nang makita ako ni Ser Bien sa upuan ay kinawayan ako at pinapanhik sa entablado sabay pagpapakuha ng larawan. Doon lang niya nalamang puputungan siya at napanganga pa nang sabihin kong ako ang gumawa ng kaniyang lawrel. Matagal kong nakasama si Ser Bien sa mga okasyong may pagkilos ang mga manggagawa, kasama ko siyang tumutula sa entablado, nakakasama sa mga bungguang baso at siya din ay isa sa nag-blurb sa aking unang librong Halugaygay sa Dalampasigan ng: "Si Tata Raul ang makatang nagpapatindi sa pagkauhaw natin sa mga susunod pang tula". Mabuhay ka Ser Bien!....MUY BIEN!