![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEgS-4zk_9fvK8zp3dEvk22od5btV3jLUA3t1trdwQSCG9FamxQUVZbkB5ENOAHXjmv8jQadeNcH8Y7iGEX_4Zv8Qx527aTclBV6GCvM38JqlsTP-kwnJybC1VBRLkcATgbt9HwFknd_0TQn/s320/090920091640.jpg)
![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEjiH1EaUXvd18tJiOUNjmNmLspFmaDtGNQdqOeEGVI70S_KdxLGT70IgHokk3A26V12MJwBmTWVIYJXiYNp-YnR3pYc-ZEa6zzThZbHpBwnC2LM4psTTUyViWUq9-ozxs2pSUYuzoVMWKYJ/s320/090920091638.jpg)
![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEgy3amgNE7Xs62qMifqBnMOsllWAs7kzt2J1pIlhaKyTajUcO-wjXiq8yHbnXqhmyjBXFAh9FarTAE_WsGJfv71INIi3AmSwecN-bPCy2uSanLPRJr7M71f8BA_d7oh3d7HbgtVge14cjwd/s320/090320091613.jpg)
![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEhT8qG8xfc5fFOnKTlS41FvaTVdDmR5NxQdLg8XsVj-OlJ8kOvfFRkyKx8n1MSc3zCDxCvYEbn7mCvseoppKwyFQeBvgIPshBzy93HfZBBOXRqGnJtY57M8p_jXdItvBeeG8RGpbqAOdu7t/s320/090320091607.jpg)
![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEglIXtjCMRWTDhuH_ZpR25NBPdLNv6Fyt45S6OAjk13snrLSVwsI0-igYjf-YkOdp2yyWzl5f1t318a62DyFTE1gn91ZtBInRDOjrxfquLU8QxP_yAKMOfjFOxY-mSEHDd2wzjrcB3O-Lzs/s320/wop_launch-1.jpg)
Mahirap asintahin ang kartada ng mukha ng isang tao kapag ito'y nilililok. Subalit sa hinay at utay na may kasamang pagtitiyaga, ito’y nakukuha at natatapos.
Sa dami nang nililok ko'y lagi at laging obserbasyon ng aking himas ang hindi pagkakapareho ng magkabilang panig ng mukha ng tao. At marami ring kasamang ka-“alilang kanin” ang nagsabing mga sikat na artista lamang ang mayroong magkaparehas na kartada ng magkabilang panig ng mukha.
Subukang masdan ang ating mga sarili sa maliwanag na salamin at makikita ninyong hindi pantay ang laki ng ating mata, ilong, tenga at ang tenga natin ay sumusunod ang laki nito sa ating pagtanda kaya minsan ay sinasabing pag may malaking tenga ay matagal ang buhay.
Tulad ng bago kong lilok na kartada ng mukha ni National Artist for Literature na si Virgilio S. Almario aka Rio Alma at isa sa “whisle blower” sa usaping pagpili at pagdagdag bawas ng Malakanyang sa mga bagong hirang na mga “National Artist.” Kayhirap sipatin at himasin ng mga palad ang hindi pagkapantay ng kaniyang mukha ngunit sa tiyaga at paglalapirot ng clay ay nakuha ding maiporma ang kaniyang nakangiting mukha.
Isa pa’y pawang larawan at imahinasyon lamang ang dinudukal ko sa kaniyang hitsura dahil hindi alam ni Rio Alma na ginagawa kong muli ang kaniyang busto na balak ilagay ng bayang San Miguel Bulacan sa pagpupugay na gagawin sa kaniya sa darating na Setyembre 29, 2009. Ito’y isang proyekto ng UP-Likhaan ng Institute of Creative Writing (ICW) sa Unibersidad ng Pilipinas at National Commission for Culture and the Arts (NCCA). (Sina ser Vim Nadera at Maam Eva Garcia Cadiz ang kapural nito upang gawin ko kahit di kunin ng bayang San Miguel Bulacan ang busto ni Rio Alma.)
Sa ngayon ay katatapos ko lamang ng kaniyang ginintuang busto at ito’y nakahandang ipresenta sa butihing mayor ng San Miguel Bulacan na si Kgg. Roderick Tiongson ng mga project Coordinator ng UP-Likhaan ICW at NCCA sa lalong madaling panahon.