Tuesday, May 13, 2008

Eskultura at Erotika

Eskultura at Erotika

Posted on May 9, 2008 by Roberto Añonuevo

Ginulat ako isang araw ni Raul Funilas sa pagbubukas ng kaniyang munting galeriyang tinawag na “Eskultula ni Tata Art Gallery” sa Don Antonio Heights, Lungsod Quezon. Itinanghal niya sa unang pagkakataon ang kaniyang koleksiyon ng mga eskultura na yari sa bronse, kahoy, bato, kongkreto, plaster, at iba pang midya. Ang kakatwa’y tinambalan ni Tata Raul—na magiliw na tawag sa kaniya ng mga kaibigan—ng pambihirang siste at pagdulog ang kaniyang likhang eskultura, kaya ang dating pagtingin sa katawan ng babae o lalaki o pangyayari ay nakakargahan ng mga pahiwatig na makayayanig sa pandama at sensibilidad ng sinumang makakikita.

Halimbawa na’y ang kaniyang “Si Malakas at si Maganda” ay hindi iluluwal ng buhông nabiyak ng tuka ng isang ibon. Ang buho ay mismong tarugo na tulî, at sa loob niyon ay makikita ang magkayakap na lalaki at babae na kapuwa nakahubad, at tigas na tigas ang burat na akma’t handang kumarat. Kung sisipatin sa malayo, ang nabiyak na tarugo ay hindi na mag-aanyong titi, bagkus animo’y pukeng magsisilang ng katauhan ng dalawang magkasalungat na kasarian.

Ngunit huwag akalaing pulos kalibugan ang mga likha ni Tata Raul, at humahangga sa kabastusan. Humubog din siya ng mga eskultura ng mga batang nagsasaranggola, na inukit sa matigas na kahoy ang mga bata at ang mga saranggola naman ay yari sa tanso na animo’y lumulutang sa hangin. O ng mga batang namimingwit o mangingisdang gumagaod o nangingisda. Ang malalaking isda, sugpo, bibe, o alimango ay maaaring yari sa tanso o kahoy, at depende na sa mamimili kung ano ang nais niyang itanghal sa loob man ng bahay o sa gitna ng hardin.

Retablong relihiyoso, estatwa ng santo o mananayaw, busto ng alagad ng sining, lamparang yari sa kawayan, orasang pandingding, kandelabra, maskara, dulang na yari sa kahoy na tinatayang edad 200 ang tanda, at kung ano-ano pang kuntil-butil ang masisilayan sa galeriya. Si Tata Raul, na dating katuwang ng mga eskultor na gaya nina Billy Abueva at Jerry Araos, ay lumikha ng sariling pangalan at nagpatag ng angking landas kahit sa panulaang Filipino. Ang ibang tula ni Tata ay nakaukit mismo sa dulang o retablo o estatwa, kaya ang imahen ng isang bagay ay hindi na lamang basta masasalat o magagamit bagkus kababakasan din ng mga talinghagang kapupulatan ng hiyas ng diwa.

Abot-kayang halaga ang bawat piyesa na makikita sa galeriya ni Tata Raul. Gayunman, hindi nangangahulugan iyon na mababa ang kalidad at antas ng sining ng pagkakalikha ng bawat eskultura. Mahigpit ang pamantayan ni Tata Raul pagsapit sa kaniyang mga likhang sining, gaya lamang ng pagsulat ng bagong tula. Kayo na ang humusga, at dalawin na lamang ninyo ang kaniyang “Eskultula ni Tata Art Gallery” na matatagpuan sa #25 Holy Spirit Drive, Don Antonio Heights, Lungsod Quezon

Sunday, May 4, 2008

Maglalako


Maglalako


Maghapon siyang gumagala upang magtinda

Sa malawak na siyudad at kung saang kalsada.

Sa umaga’y galapong na ginigiling ang araw

Upang kumatas ang pawis pagtirik ng katanghalian.


Naglalako nang pasigaw at minsa’y mahihinang bulong

Kapagka pasibsib na humahapay ang pagdarapithapon.

May mga gabing nilalansing nilalasing ang mga bituin

Upang gawin niya itong pananglaw sa kaminong madilim.


Hanggang sa pagtilaok ng madaling araw at paghablot
Ng bukang liwayway patuloy pa ring hindi niya malimot
Na siya’y maninindang walang kapagurang tinatahak
Ang landas na ang bumibili’y ang nagbabantang wakas.


Raul Funilas

Enero 15, 2007

Guryon




Guryon

Bawat hatak sa pisi
O, kaytamis ng ngiti.
Rumururok matayog
Alis lahat ang pagod
Dinadagit ay hangin
O, kay sarap malasing
Rolyong leting, nagbagting.

Raul Funilas
Marso, 2008