Saturday, April 26, 2008

Wagi si Tata




Wagi si Tata Raul Funilas ng Unang Gantimpala sa Kabuwanan sa Cubao Expo 2008-Poetry Performance Competition na ginanap noong Abril 5, 2008 sa Allan's Grill and Cafe sa Araneta Center. Naging hurado sa nasabing patimpalak sina Prof. Wendell Capili, Yanna Acosta, Danny Sillada at Sonny Villafania.


Ipinagwagi niya ang tulang Kabuwan(g)an ng Buwan. Nagkamit siya ng cash prize at tropeo na lilok ng eskultor na si Eric Go. (Kasama ni Tata Raul sa larawan sa kaliwa sina Danny Sillada at Erik Go.)






Mananayaw



Mananayaw

Isinasayaw ko ang iyong kaluluwa
Sa tuwing humahampas ang hangin.
Kailangang walang makaalam
Na ikaw'y galing sa sinapupunan
Ng diyosang walang paraiso.
Umindak kang nakataas ang kamay,
Nakatiyad at nakabuka ang bibig.
Habang ako'y nagbabantay sa iyong indak.
Punuin mo ng hangin ang iyong katawan
Upang sa paglipas ng unos
At sigwada ng hangin,
Tayo'y papailanlang sa himpapawid.
Ipagpapatuloy natin ang walang humpay
Sa pag-indak upang magising
Ang mga anitong nagbabantay
Sa bahaghari at ipuipo.
Salisurin mo ng iyong paa ang alapaap
Na may kalong na tubig upang ibuhos
Nito sa gagawin nating himlayan,
Kapagka napagod na ang ating mga paa sa pagsayaw.


Raul Funilas
Marso, 2008